Sunday, July 13, 2008

Shoutout ni Tanya : Maikling Kwento

Shoutout ni Tanya
By Dana Dolor Montecillo


Kaunting minuto na lang at mag-aalas dose na ng hatinggabi. Hanggang sa sandaling ito ay hindi pa umaalis si Tanya sa pagkakaupo niya sa harap ng computer dahil abalang-abala siya sa pagpi-friendster at pagcha-chat sa YM; marami siyang ka-chat at marami siyang binibigyan ng comment, ito ang mga bagay na kinahihiligan niya. Sa tuwing makatatanggap siya ng comment, wala pang isang minuto ay naka-reply na agad siya, at mas mabilis pa sa alas-kwatro ang pag-reply niya sa YM. Sa tagal na niyang pag-aadik sa mga bagay na ito sa internet ay naging bihasang bihasa na siya sa pagta-type. At dahil rin sa Friendster at YM, kahit hindi sila tinuruan ng HTML nung nasa hayskul pa siya ay masasabing para siyang nag-aral ng paggamit nito; magandang maganda ang kanyang profile, maraming mga dekorasyon, makulay, at tumutunog-tunog pa.

“Tanya, gising na! Mahuhuli ka sa eskwelahan”, ang sigaw ng nanay ni Tanya mula sa pintuan ng kanyang silid. Walang kibo si Tanya, patuloy pa rin ang kanyang pagtulog. “Ineng, ano papasok ka ba? Tanghali na, maghanda ka na, kung ano-ano kasing pinaggagagawa mo kagabi eh, anu bang napapala mo diyan sa computer na iyan, lumalaki lang ang eyebags mo diyan eh. Hala, sige bangon na.” Pumasok na sa loob ng silid ang nanay ni Tanya at hinigit-higit na ang kumot ni Tanya; bumalikwas lang si Tanya sa kanyang pagkakahiga at himbing na himbing pa rin siya. Paulit-ulit ang panggigising ng kanyang ina hanggang sa puntong nagising na rin siya, halos inabot ng dalawampung minuto ang gisingan na naging dahilan ng kaunting oras na nalalaan sa paghahanda niya pagpasok. Nagmadaling maligo, magbihis, at kumain si Tanya, pati paglalakad niya ay bumilis rin. Ngunit sa kasamaang palad, sa kabila ng kanyang pagmamadali ay huli pa rin siya sa una niyang klase. Nang dumating siya ay nagpapaalam na ang propesor at nagtatayuan na ang kanyang mga kaiskwela. Sinalubong na lamang niya ang kanyang mga kaibigan sa may pintuan ng silid-aralan. “Huy mga prends! Ano kamusta naman ang klase?” tanong ni Tanya. “Ayun, wala ka sa klase haha..” ang sagot ni Bren. “Bakit ba nahuli ka?” tanong ng mga kaibigan. “Haha, ano pa ba eh di nag-adik ako kagabi, todo friendster ulit.. Hoy mga bruha’t bruho, comment ko mamaya ha!” ang sabi ni Tanya. “Oo na, oo na.” At nagtungo na sina Tanya at mga kaibigan niya sa susunod nilang klase.

Pagkatapos ng mag-hapon at pauwi na si Tanya at mga kaibigan ay biglang may narinig silang ring ng telepono; iyon ay tunog ng cellphone ni Tanya. Sinagot niya ito. “Oh Ma, ha? Ano? Nasa simbahan kayo? Pupunta ako diyan? Naku, Ma.. magre-research kami eh, next time na lang po ha?, O sige bye Ma.” At pinindot na ni Tanya ang END CALL sa cellphone. “Ano? Tanya! may kailangan tayong i-research, haaaa.. panu yon… bakit hindi ko alam!” Ang gulat na gulat na tanong ni Emma. “Emma relax, wala tayong takdang aralin na kailangang i-research, tinatamad lang ako pumunta sa simbahan; hala tara na friendster tayo sa bahay!” At nagtungo na nga sila sa bahay nina Tanya.

Ang nanay ni Tanya ay talaga namang napaka-relihiyoso kaya naman nang isang gabi pagkatapos kumain ng pamilya ay niyaya niya si Tanya na mag-rosaryo. “Tanya, halika sabayan mo akong manalangin.” “Ma, madami akong homework eh, ang haba-haba pa ng rosaryo mas mahaba pa ata sa takdang aralin namin.” Sagot ni Tanya. “O e ang ikli naman pala ng homework mo eh, e di sabayan mo na ko, minsan ka lang tawagin ng Diyos eh!” “Ma naman, baka hindi ko matapos ang assignments ko.” Ang tutol pa rin ni Tanya sa kanyang ina. Di naglaon ay pumayag na rin ang nanay ni Tanya at pinaakyat na niya si Tanya sa kanyang silid.

Pagkaakyat ni Tanya sa kanyang silid ay naupo siya sa kanyang study table, binuklat niya ang kanyang kwaderno at hinanap ng mata ang takdang aralin para sa araw na iyon. “Magdala ng dyaryo, typewriting, glue at gunting, at pag-aralan ang pagsulat ng liham.” Iyon ang tanging nakasulat sa kanyang kwaderno. Hinanda niya ang mga nakasaad ng wala pang limang minuto at nagtungo na sa kanyang computer table. At nag-friendster siya hanggang siya ay antukin, hindi na siya nakapag-ym dahil hindi naman online ang kanyang mga ka-chat malamang ay gumagawa ang mga ito ng takdang-aralin. Ang ganitong sitwasyon ay natural na kay Tanya, sa tuwing siya’y aanyayahan ng kanyang ina ay palagi itong tumatanggi. Palagi siyang may dahilan kung bakit hindi niya magagampanan ang dapat niyang gampanan.

Dumating ang panahon na nagpaiwan si Tanya sa kanilang bahay at hindi sumama upang sumimba at bumisita sa mga ka-anak, dinahilan niyang mayroon siyang mahalagang proyekto na kailangang tapusin. Gaya ng dati, ito ay pawang walang katotohanan; ang kanyang oras ng pag-iisa ay inilaan na naman niya upang mag-internet. Hanggang sa nagsimulang dumilim ang paligid, natakluban ng maiitim na ulap ang kalangitan at tuluyang nawala ang sikat ng araw at nagsimulang pumatak ang malalaking patak ng tubig. “Hayan umuulan, mas masarap mag-internet pag umuulan at masarap rin matulog, ang saya nito!” Ang sabi ni Tanya sa kanyang sarili. Nagpatuloy si Tanya sa pag-iinternet, at wala siyang pakialam sa paligid ng biglang umitim ang kanyang monitor, namatay ang CPU at tumigil sa pag-ikot ang bentilador. “Ahhhh, brownout asar!” Ang sigaw ni Tanya at pagkasigaw na pagkasigaw ni Tanya ay kumalabog ang kalangitan, nayanig ang kalupaan. Ramdam na ramdan ni Tanya ang nagngingitngit na panahon, nagsimula na siyang mabalutan ng takot, madilim ang loob ng kanilang bahay at kitang kita na niya ang pagkislap ng liwanag mula sa kidlat. Sinubukan niyang sumilip sa labas ng kanilang bahay kung makakayanan niyang pumunta sa kapitbahay at dun muna manalagi para siya ay may kasama ngunit lubhang nakakatakot ang kanyang nakita. Rumaragasa ang tubig mula sa mga kanal na umapaw, ang mga basurahan pati na ang mga laman nitong basura ay nadadala ng malakas na agos; ang mga puno ay mistulang matutumba sa lakas ng ihip ng hangin, mayroon ring nakita si Tanya na mga butil ng yelo na pumapatak sa may bintana, at nang tumingin siya sa itaas ay nakita niya ang guhit ng mga liwanag na kalat sa kalangitan. Minsan lang mangyari ang ganito sa lugar nina Tanya at unang beses niya itong maranasan kaya’t matindi ang bumalot sa kanyang takot at pangamba. Sa kabila ng kanyang takot ay hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa, tangan ang kanyang dilaw na payong ay tinawid niya ang pagitan ng pinto ng kanilang bahay hanggang sa kanilang gate, nilusong niya ang rumaragasang tubig papunta sa kanilang kapitbahay na si Aling Nena, na noong bata pa siya ay siyang nag-aalaga sa kanya kapag umaalis ang kanyang ina. Nasa kalagitnaan siya ng kalsada, siya’y nagmistulang lantang halaman na halos madala ng ihip ng hangin at malunod sa napakalaking alon ng tubig; nang biglang tumumba ang isang puno ng saging at humarang sa kanyang daraanan, sinubukan niyang lumingon sa kanyang pinanggalingan at bumalik sa kanilang bahay ngunit sa likod niya ay naroroon na ang iba ibang piraso ng kung anu-anong sanga ng punong kahoy, mga basura, at kung anu ano pang mga bagay na naging sanhi ng pagkasarado ng kanyang daraanan. Hindi makaalis sa kanyang pwesto si Tanya, maging ang payong niya ay bumigay na, bumaliktad ito at siya ay tuluyang nabasa, siya ay lalong kinabahan, kasabay ng pagagos sa kanyang katawan ng tubig ulan ay ang kanyang mainit na luha. Hindi na niya alam kung anong gagawin, sumigaw siya “Aling Nena! mga kapitbahay! Tulungan niyo ko!” ngunit walang makarinig sa kanya, ni wala siyang natatanaw na ibang tao sa labas at lalo pang lumalakas ang ulan.

Takot na takot na si Tanya at naglalaro na sa kanyang isipan ang mga kalunos lunos na bagay na maaaring mangyari sa kanya, maaaring lalong dumami ang tubig at siya’y malunod, matumbahan ng malalaking mga puno at ang pinaka-nakakatakot sa lahat ay ang posibilidad na matamaan siya ng kidlat sa kanyang kinatatayuan. Isa-isang pumasok sa kanyang isipan ang mga oras na tinanggihan niya ang Panginoon, ang mga oras na nagsinungaling at tumanggi siya sa kanyang ina, lahat ng mga pangyayari noong hindi man lang siya naglaan kahit kaunting oras para sa Panginoon ay unti unting bumabaon at naghahatid ng sakit sa kanyang puso. Sumagi sa kanyang isip ang palaging sinasambit ng kanyang ina tuwing inaanyayahan siyang manalangin, na ang tanging makatutulong sa mga tao ay ang Panginoon kailangan ng tao na magbigay ng oras sa Panginoon at ibalik sa Kanya ang pagmamahal na ibinigay sa lahat.

Nagaalinlangan siya ng oras na iyon na tumawag sa Panginoon, inaalala niyang baka hindi siya marinig ng Panginoon, baka sa kadahilanan ng kanyang pagtalikod sa Panginoon ay tinalikuran na rin siya nito. Ngunit wala na talaga siyang magawa upang mailigtas ang sarili, umaakyat na ang tubig, lumalampas na ito sa kanyang tuhod at siya’y nanginginig na sa lamig. Ginawa na niya ang kanyang matagal na hindi ginagawa; nanalangin siya ng mataimtim at kinausap ang Panginoon, “Panginoon, patawarin Mo po ako sa aking mga pagkakasala, maraming pagkakataon na akong tumalikod at tumanggi sa pagtawag Mo, ngayon po ay sinusubukan kong lumapit sa Inyo at humingi ng kaligtasan. Iligtas Nyo po ako mula sa kapahamakan, ako’y nagkamali at nabigong sumunod sa Inyong kagustuhan.” Patuloy ang pagbuhos ng ulan, pagkidlat at pagkulog.. lalong dumidilim ang paligid, ang tanging liwanag na makikita ay ang kidlat sa kalangitan. Lingid sa kaalaman ni Tanya na sa malayo ay marami pang mga putol na punong kahoy ang dala-dala ng rumaragasang tubig, papalapit na ito papunta sa kanya, at di nagtagal ay tumama sa kanya ang mga ito. Natumba si Tanya at siya’y lumubog sa ilalim ng putikang tubig baha. Dumilim ang paligid.

Dinig na dinig ang pag-iyak ng ina ni Tanya habang yakap-yakap siya ng kanyang asawa. “Mama, tama na ang iyong pag-iyak; ganyan talaga ang buhay ng mga nilalang dito sa lupa, hindi mo alam kung hanggang kailan ang ipamamalagi mo sa mundong ibabaw. Tahan na, Tahan na.” ang mahinahong sambit ng ama ni Tanya. Patuloy ang paghagulhol ng nanay ni Tanya.

“May umiiyak.” Sabi ni Tanya. “Sino kayang umiiyak? Mama?” Pumunta si Tanya sa sala at doon ay nakita niya ang kanyang mga magulang, halatang halata ang bahid ng kalungkutan sa mag-asawa. “Iniiyakan na kaya nila ako? Natagpuan kaya nila ang katawan ko?” tanong ni Tanya sa kanyang isipan. Lumapit siya sa kanyang mga magulang at.. “Oh Tanya! Si Batik… si Batik .. wala na si Batik.” Ang hagulhol ng kanyang ina. “Si Batik?” ang tanong ni Tanya. Si Batik ang paboritong tuta ng ina ni Tanya, ito’y nabasa sa ulan at nagkasakit at sa kasamaang palad ay namatay. “Buhay ako? Teka ano yung mga pangyayari kanina?” Ang takang-takang tanong ni Tanya sa sarili. “Tanya! Ba’t ka na nakaluhod?” ang tanong ng kanyang ama.

Si Tanya ay napaluhod sa tuwa at galak, ang lahat ng kalunos-lunos na mga pangyayari ay naganap lamang sa kanyang panaginip. Higit ang kanyang pasasalamat sa Panginoon at walang nangyaring masama sa kanya. Tumayo sa kanyang pagkakaluhod si Tanya at nagmadaling pumunta sa kanyang kuwarto, binuksan niya ang kanyang AVR at CPU at dali daling nag-login sa kanyang account, binuksan niya ang Mozilla Firefox at pinalitan agad ang address sa browser, pinalitan niya ito ng www.friendster.com at tuloy nag-login. Pinindot niya ang “post shoutout” at kanyang inilagay: “Tayo’y lumapit sa Panginoon sa tuwing tayo’y Kanyang tinatawag at tayo’y maliligtas.” Pinindot niya ang "Submit" at biglang lumabas: Shoutout posted!

No comments: