Saturday, July 5, 2008

Alamat ng Duryan

Ang Alamat Ng Duryan
by Ma. Cecilia Miano


Sa isang malayong lugar na puno ng manunugal, ay may isang kaharian na hindi pa nabubungkal. Ang kahariang ito ay kakaiba sa lahat sa kadahilanang ang lahat ng kagamitan at tauhan nito ay nababalot ng linis, kinang at bango. Isang prinsesa ang may pakana ng lahat ng ito, at siya ay si prinsesa Dorie. Maganda, matalino, malinis at ubod ng bango si Prinsesa Dorie subalit hindi tumutugon ang kanyang kalooban sa ipinapakita ng kanyang kaanyuan. Madalas niyang laitin ang mga katulong lalo na kung hindi niya nagugustuhan ang mga amoy nito. Hindi siya nakikihalubilo sa mga taong hindi niya kauri kung kaya’t piling panauhin lamang ang mga naiimbitahan sa tuwing may mga pagtitipon.

Isang araw napagpasiyahan ng kanyang Amang Hari na bisitahin ang mga taong bayan upang makilala naman sila ng personal bilang kinatawan ng palasyo. “ mahal kong prinsesa, halina’t sumama ka sa pagbisita naming ng iyong Inang Reyna sa bayan. Hayaan nating makilala naman tayo ng mga taong aming pinamumunuan, balang araw ay ikaw naman ang papalit sa pamumuno”, pakiusap ng hari. “ Subalit ama, sapat ng kayo na lamang ang bumisita doon at isa pa ayoko silang makita. Paniguradong hindi ko magugustuahan ang mabaho nilang amoy at itsura”., tugon ng prinsesa. “ Anak, masyado kang mapanghusga, masama iyan, gusto mo bang isama kita sa kanilang paninirahan doon?” Agad na tumanggi ang prinsesa, at sa matinding pamimilit ng ama ay napapayag niya rin ito.
Maraming karwahe ang dumating ng araw na iyon at hindi magkamayaw ang mga taong-bayan sa pagbati sa hari. Bumaba na sila ng karwahe upang magpakilala sa mga tao, at si Prinsesa Dorie ay nagdadalawang –isip pa sa pagbaba. Sa kanyang pagbaba ay nilapitan siya ng isang matandang pulubi. “ Kay ganda mo naman Prinsesa Dorie, maaari bang isama mo ako sa palasyo at hayaan mong paglingkuran kita?”, sambit ng matanda. “ Ayoko nga! Isa kang hampaslupa, at bakit naman kita tatanggapin sa aming palasyo? Walang lugar para sayo doon…! Lumayas ka! Tsupe”! Nagalit ang matandang pulubi sa matinding paglait sa kanya at isinumpa ang prinsesa. “ Kahit anong ganda at bango mo, lalabas din ang iyong baho at lalayuan ka ng maraming tao!” at biglang naglaho ang matanda.

Lumipas ang araw hanggang sa may kakaibang amoy ang lumaganap sa palasyo. Sa tuwing magsasalita ang prinsesa ay may umaalingasaw na amoy mula sa bibig nito. Lalong tumitindi ang amoy sa tuwing pagmamalupitan niya ang mga katulong at iba pang tao sa palasyo. Hindi ito matanggap ng prinsesa kung kaya’t lumayas siya. Bigla itong naglahong parang bula; walang nakakaalam kung saan siya matatagpuan. Hanggang isang araw ay may punong hindi kilala na tumubo sa harap ng palasyo. Marami itong bungang mukang masasarap subalit ng tinangka nila itong buksan at kainin ay nawala ang gana nila dahil sa amoy nito. Tumubo din ang mga punong ito sa bayan subalit hindi na sila nagtatangkang kumain ng bunga dahil na rin sa amoy nito. Dahil kasabay ng punong ito ang pagkawala ni Prinsesa Dorie, ipinangalanan nila dito ang prutas at tinawag na “DURYAN”.




************************************WAKAS**********************************************

No comments: