Saturday, July 5, 2008

aLamat ng Tuyo

Nagdaan ang isang napakalakas na bagyo at muli nitong sinalanta ang Baryo Puting-Tinapa. Bakas ang pagkawasak ng mga tahanan at mga kabuhayan ng mga residente doon. Dahil doon, lalo nilang pinroblema ang kanilang kakainin sa araw-araw. Pinilit ng mga tao doon na maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay ngunit hindi pa man lubusang nakakabangon mula sa pagkalugmok ay muli na namang dumating ang isa pang unos sa buhay ng mga residente ng baryo.

Naranasan naman nila ang sobrang tag-init. Natuyo ang mga pananim at mga balong pinagkukunan nila ng tubig. Maging ang dagat ay animo’y nagdadamot magbigay ng mga isda. Lubos na nabahala ang mga tao ng nasabing baryo dahil sa pagka-ubos ng kanilang mga pagkain.

Isang araw, lumabas ang isang batang nagngangalang Toyo, lampayatot at nanghihina dahil sa lubos na pagkagutom. Sa paghahanap ng pagkain, ang tanging nakita niya lamang sa pampang ay mga isdang animo’y naluto at natusta na dahil sa lubos na kainitan ng araw. Naisip na lamang ng batang si Toyo na mag-uwi na lamang ng mga isda. Ipinakita niya iyon sa kanyang ina at sinabi naman ng kanyang ina na “tuyung-tuyo na ang mga isdang iyan ngunit mabango naman at mukang masarap kainin”. Niluto ito at kinain nila. Tuyong isda sa umaga, tuyong isda sa tanghali at tuyong isda sa gabi, maging ang kanilang midnight snack ay tuyong isda pa rin. Naging paborito ng batang si Toyo ang tuyong isda dahil para sa kanya ay napakasarap nito at napakabango pa. Ngunit kabaligtaran naman ang sa kanyang mga kapatid, sawang-sawa na sila at kulang na lamang ay magsuka na ng tuyong isda.

Matapos ang ilang araw ng paghihirap ay muli na namang nanumbalik sa normal ang kanilang pamumuhay. Dahil hindi na tag-init ay wala ng tuyong isda na naging dahilan naman ng lubos na pagkalungkot ni Toyo. Kaya’t naisip ng kanyang ama na manghuli ng mga isda upang gawing ulam. Napag-isip-isip ng mag-asawa na ibilad sa init ng araw ang isda, timplahan ito ng konting asin gaya ng orihinal na lasa ng mga isdang nakuha ni Toyo sa pampang noong tag-init pa. naging masarap ang resulta kaya naisip nila itong gawing hanapbuhay. Mula ng araw na iyon ay naging pamilya sila ng magtutuyo, doon ay pinaikli na lamang ang tawag sa tuyong isda at ginawa na lamang na “Tuyo”. Kahit na hindi sila namomroblema sa pagkain ay pinili na rin ng mga tao na bumili ng tuyo dahil sa mura at masarap naman. Hindi nagtagal ay dumami na rin ang mga pamilya na nagnenegosyo ng tuyo hindi lamang sa Baryo Puting-Tinapa ngunit maging sa mga kalapit na baryo.

At lubos na nga ang kasikatan ng tuyo lalo na sa baryong pinanggalingan nito, ang Baryo Puting-Tinapa.

No comments: