Thursday, August 7, 2008

MAIKLING KWENTO,,,Ang Panata,,,,,,

Sa isang barrio kung saan nakatira si Alfredo,kasama ang kanyang pamilya sa kanilang hacienda at lubos na maganda ang ani at maganda ang takbo ng kanilang pamumuhay,lalo't higit ang takbo ng pag-ibig ni Alfredo.Kasintahan niya si Alicia,mahigit na sa anim na taon ang kanilang pagsasama at nagpaplano na silang magpakasal.Lubos na masaya ang takbo ng pamumuhay, pag-ibig at negosyo no Alfredo,marami ang humahanga sa kanya dahil sa sinasabi na siya ay suwerte,lubos na panagpapasalamat ni alfredo ang lahat ng ito sa Diyos,kaya siya at ang kanyang pamilya maging sa Alicia ay palaging nagsisimba ng sama sama.
Labis na iginagalang at mahal ni Alfredo ang kanyang ina,si Donya Marcela,na isang mabait,matulungin at lubos na hinahangaan sa kanilang barrio.Matulungin ang ina ni Alfredo sa mga may sakit at sa mga kapuspalad.Hindi nito pinagdadamot ang kanyang kayamanan.nagbibigay siya ng tulong sa Simbahan at sa mga Paaralan.Ito ang dahilan kung bakit kilala at nirerespeto si Donya Marcela, kayat mahal na mahal siya ng kanyang anak.
Dumating ang panahon na nagpa-plano si alfredo at alicia ng kanilang kasal. Lubos na masaya ang dalawa dahil matutupad na ang kanilang pangako at pangarap sa isat-isa.
Ngunit may dumating na di inaasahang pangyayari sa pamilya nina alfredo. Nagkaroon ng karamdaman ang kanyang ina na si Donya Marcela at hindi matukoy kung ano ang dumapo sa kanyang sakit. Ipinatingin nila ang ina sa pinaka-magagaling na manggagamot, ngunit ni isa ay walang maisagot at maibigay na lunas sa karamdamang ito. Hindi matiis ni alfredo na makita na nagdurusa at nahihirapang ang kanyang ina, wala man lang siyang magawa upang maibsan ang paghihirap nito.
Namanata si alfredo sa mahal na birhen. "Mahal na birhen, ako'y dumadalangin sa inyo nawa ay tulungan ninyo ang aking mahal na ina, pagalingin niyo siya. Sa oras na siya ay gumaling aking ipinapangako na ilalaan ko ang aking buong buhay sa paglilingkod sa inyo".
Iyon ang binitiwang salita ni alfredo sa kapilya habang siya ay nananalangin. Makalipas ang ilang araw ay napansin nilang unti-unting sumisigla si donya marcela, unti-unti itong gumagaling. Napaluha si alfredo sa pangyayaring ito dahil dininig ng mahal na birhen ang kanyang panalangin.
Nagdesisyon siyang mag-pari dahil sa panata niya sa mahal na birhen. LAbis na nasaktan si alicia dahil sa desisyon ni alfredo, hindi niya ito inaasahan. Kaya umalis ng bansa si alicia at nagpaka-layo layo upang magsimula muli. Samantala, pumasok si alfredo sa seminaryo at nagsimula nang maglingkod sa panginoon.

Edelyn Q. Montecillo
BSN 2-5

Sunday, July 27, 2008

PALAKA

Sa gitna ng kaharian ng Renaia, isang dalaga ang nakatira sa munting palasyo. Siya si Helena, nag-iisang anak siya nina Haring Bernardo at Reyna Lorena. Pinagmamalaki ng mag-asawa ang kanilang anak dahil hindi lang maganda si Lorena kundi ay matalino at may mabuting kalooban din. Tuwing umaga ay hindi sumasablay si Helena sa pagbati sa lahat ng taong makakasalubong niya ng “ Magandang umaga po sa iyo, nawa po ay maging maganda ang iyong araw”. Hindi rin siya pumapaliya sa pagpunta sa kanilang hardin tuwing umaga at gabi sa kadahilanang meron siyang binibisitang mga alaga, ang kanyang mga palaka. Tuwang tuwa siya sa mga palaka, para sa kanya ay nakakaakit ang mga malalaki at bilugang mata ng mga ito.

Isang umaga habang siya ay naglalakad patungo sa kanilang hardin ay may nakasalubong niya ang isang binata. Binati niya ito ng “ Magandang umaga sa iyo”. Natuwa ang binata sa kanya at nagwikang “Magandang umaga din sa iyo. Mukang masaya ka ata, saan ka ba patungo at maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?” “ako nga pala si Helena, ikaw? papunta ako sa aming hardin” tugon ng dalaga. “ako nga pala si Nicolas, kinagagalak kitang makilala. Ano naman ang gagawin mo sa inyong hardin?" wika ng binata. “Dadalawin ko ang aking mga alagang palaka” sagot ng dalaga. “Palaka?” nagtatakang tanong ng binata. “Paborito ko kasi ang mga iyon. Tara! Sumama ka sa akin para makita mo kung gaano sila kaganda.” Nakangiting sagot ni Helena sa binata. Namangha si Nicolas sa kanyang narinig sapagkat unang beses lang siyang nakarinig ng dalagang natutuwa sa mga palaka. Napangiti na lang ang binata at sumama sa dalaga , simula ng araw na iyon ay lagi na silang nagkikita.

Sa araw araw na pagkikita ng dalawa ay nahulog na ang loob nila sa isat’isa. Hindi tumutol ang mga magulang ni Helena sa pag-iibigan nila ni Nicolas sa kadahilanang kampante na ang loob nila sa binata dahil nga sa halos araw araw na pagpunta ng binata sa palasyo, nakakatiyak na sina Haring Bernardo na mabuti ang intensiyon ng binata sa kanilang anak. Laging pinapasaya ni Nicolas si Helena kaya tuwang tuwa ang mga magulang nito sa kanya, itinuring na siyang kapamilya ng mga ito.

Dumating na ang araw ng pasukan. Nakatanggap si Nicolas ng sulat galing sa ninanais niyang paaralan, siya ay nakapasa dito. Ang problema niya nga lang ay sadyang malayo ang paaralan sa palasyo kaya kinausap niya si Helena tungkol sa bagay na iyon. “Natutuwa ako sa balitang iyan mahal ko. Naiintindihan kita, alam kong gustong gusto mong pumasok doon kaya’t sige humayo ka at tuparin mo mga pangarap mo basta’t ipangako mo lang sa akin na hindi mawawala ang komunikasyon sa pagitan nating dalawa, lagi kang susulat at dadalaw” sabi ng dalaga sa kanya.

Umalis na si Nicolas patungo sa paaralan. Nang simula ay hindi napuputol ang komunikasyon ng magkasintahan, araw araw na sumusulat ang binata sa dalaga at ganoon din naman ang dalaga. Tuwing sabado ay pumupunta si Nicolas sa palasyo para dalawin si Helena. Biglang dumating ang araw ng kanyang pagsusulit, naging abala si Nicolas sa kanyang pag-aaral kaya hindi siya nakakasulat at nakakadalaw sa dalaga. Nagtampo ang dalaga. Nang natapos ang araw ng pagsusulit, gumawa ng paraan ang binata para makabawi sa dalaga. Tulad ng dati ay araw araw siyang sumusulat kay Helena ngunit bihira ng sumagot ang dalaga sa mga sulat niya. Hindi rin niya inaabutan ang dalaga sa palasyo sa tuwing dadalawin niya ito.

Isang araw, naabutan ni Nicolas si Helena sa palasyo. Ang payat at namumutla ang dalaga kaya nag-alala ang binata. "Ayos ka lang ba mahal ko, bakit parang namumutla at namamayat ka?” tanong ng binata. “Ayos lang ako. Wag kang mag-alala” iyon lang ang sagot ng dalaga sa kanya. Hindi sila masiyado nakapagusap dahil nagpaalam agad ang dalaga na kailangan na niyang matulog. pagkatapos nila mag-usap at pagkapasok ni Helena sa kanyang kwarto ay nilapitan ni Haring Bernardo ang binata at kinausap ito. “Ako ay may ipagtatapat sa iyo, may sakit sa puso si Helena. Ayaw niya sanang ipaalam ito sa iyo dahil ayaw niyang mag-alala at maawa ka sa kanya.” Wika ng hari. Dahil sa pagkabigla ay hindi na nakapagsalita ang binata at ito ay napaluha na lang. Pagkatapos siyang kausapin ng hari ay dumeretso si Nicolas sa simbahan at siya ay nagdasal “ Panginoon, nawa po ay pagalingin Mo si Helena. Marami pa siyang mga pangarap sa buhay at kailangan ko pa po siya. Pawiin Mo po sana ang kanyang karamdaman. Handa ko pong gawin ang lahat para lang tuparin Mo po ang aking kahilingan. Maraming salamat po”. Araw araw niyang dinadasal ito.

Isang umaga habang si Nicolas ay nasa paaralan ay nabalitaan niya na paalis na sina Helena papunta sa ibang bansa mamayang hapon. Dali-daling umalis ang binata patungo sa palasyo. Hindi na siya pumasok para maabutan lang ang dalaga, ngunit, sa kasamaang palad hindi niya ito inabutan. Kung napaaga ng tatlumpung segundo sana ang dating niya ay naabutan pa sana niya ang karwaheng sinasakyan nina Helena. Napaluhod nalang siya sa harap ng palasyo at umiyak. Lagi na siyang tulala, hindi na siya halos nakakapasok sa paaralan at lagi lang siyang nasa simbaha’t nagdarasal.

Pagkalipas ng dalawang linggo ay nakatanggap si Nicolas ng sulat galing kay Haring Bernardo. ( ang laman ng sulat ay...) “ Kami ay umalis ng kaharian para ipagamot si Helena. Pinaoperahan namin siya, naging matangumpay naman ang operasyon, ngunit hindi na ito kinaya ng kanyang katawan. Hindi ko alam kung pano ito sasabihin, hindi na ako magpapaligoyligoy pa, si Helena ay wala na. Kaninang umaga ay bumigay na ng tuluyan ang kanyang katawan, wala ng nagawa ang mga doktor. Kami ay pabalik na diyan sa kaharian, pasensiya na sa masamang balita.” Pagkatapos mabasa ni Nicolas ang sulat, umiyak ito at sumigaw “wwaahh!!! bakit Mo siya kinuha?!! Lahat naman ng gusto mo ay ginawa ko!! Bakit ito pa ang isinukli Mo sa akin?!! walang tigil sa pag-iyak si Nicolas hanggang sa sumapit na ang gabi. Siya ay nagpunta sa simbahan, lumuhod, at nagdasal “Panginoon, ako po ay patawarin niyo sa mga hindi kaaya-ayang salitang nasabi ko kanina. Siguro po ay masyado lang po akong nabigla sa nangyari” habang siya ay nagdarasal ay bigla siyang nakarinig ng “Kokak! kokak!”. Paglingon niya, nakakita siya sa kanyang tabihan ng isang munting palaka na parang nakatinging sa kanya. Bigla niyang naalala si Helena, napatigil siya sa kanyang pag-iyak at napangiti na lang ang binata. Simula nung gabing iyon ay bumalik na ang sigla ni Nicolas at nagsimula na siyang manilbihan sa Panginoon.



" hindi ibibigay ng Panginoon sa iyo ang isang pagsubok kung hindi mo ito kaya, magtiwala at maniwala ka lang sa Kanya."




created by:
Lara Loraine M. Mary


" I BELIEVE, with GOD all things are POSSIBLE"

- inspired by a true story -

Sunday, July 20, 2008



Ano ang Tama?

Thea Angelic R. Maiquez


Sa likod ng bundok Maria Makiling ay may nakatirang isang magandang dalaga na nagngangalang Uneng. May kaliitan ngunit maganda at may mala porselanang kutis. Hindi siya nakatuntong ng High school dahil simple lamang naman ang mga pangarap niya at higit sa lahat ay alam niya sa sarili niya na gabay niya ang Diyos sa araw-araw. Madasalin at napakabait na dalaga ni Uneng. Makikita mo siya palagi sa simbahan at malapit na malapit sa Diyos.

Isang araw ay nakilala niya itong si Antonio, isang anak ng gobernador at napakagandang lalake ngunit may napakasamang ugali. Maraming nagkakandarapa sa kayamanan nila kahit na sampakan ng sama ng loob niya. At sa hindi inaasahan ay nahulog ng matindi si Uneng sa binata at ganoon rin si Antonio. Kahit anong babala ng mga kapit bahay ni Uneng sa kanya ay walang nakapigil sa kanyang nararamdaman. Hanggang sa nagpakasal na nga silang dalawa. Nagkaroon sila ng labindalawang anak. Pinag-aral sila ng kanilang ama sa mamahaling paaralan kahit na naghihirap na sila. Tuloy, si Uneng ay hindi na magkandaugaga,kulang na lang ay mamukha siyang katulong. Subalit malaki pa rin ang pasasalamat niya sa Diyos at maayos ang kaniyang pamilya. Ang hindi niya alam ay may ginagawang kababalaghan na ang asawa niya. Hanggang sa isang araw balitang-balita sa nayon na may kabit si Antonio at binabahay niya pa iyon. Sinawalang bahala niya iyon at imbes na maniwala ay pinasaDiyos na lamang niya ang mga tsismosa sa lugar nila.hindi nagtagal at hindi pa nakuntento si Antonio sa isang dosenang anak at inanakan pa ang kabit ng lima. Hindi na mawari ni Uneng ang gagawin niya. Kahit na ganoon ang nangyayari sa kanila ay matatag pa rin ang pananalig niya sa diyos. Doon na lamang kasi siya humuhugot ng lakas ng loob pati na rin sa kaniyang mga anak.

Ika-50 taon ng kaarawan ni Antonio, “ano kaya ang maihanda para sa kaniya?”sabi ni Uneng. “ano ka ba inay, harap-harapan ka ng niloloko ni itay,” sabi ng panganay na anak nila. “nakikita mo ba ang kristo sa harapan mo ngayon? Kahit na puro kasalanan ang mga taong pinaglanan niya ng buhay ay ito pa rin siya laging bukas ang tahanan niya para sa ating lahat. Ang hindi alam ni Uneng ay sa araw ding yon ay may masamang mangyayari. Sa kanilang pag-uwi ay nakasalubong niya ang isa pa nilang anak na si Jun na tila mo galling sa malayong lugar sa pagkahapo. “inay, si itay binaril!” Dalas-dalas ang pagtakbo ni Uneng. Pagdating ay huli na pala ang lahat. Buong araw siyang nagdadasal para lang magbago ang pangyayaring iyon. Hindi siya umiiyak pero kita mo sa mga mata niya ang sobrang lungkot. Lalo niya tuloy pinagtibay ang pananalig sa Diyos. Wala na siyang katulong sa pagpapalaki ng kanyang mga anak kaya minabuti na lang niyang mangibang bansa at magtrabaho kahit ang kapalit ay maiiwan niya ang kaniyang mga anak. Tanging ang paniniwala lang sa Diyos na mababantayan ang kanyang 12 anak ang pinanghahawakan niya.

Makalipas ang 20 taon. hindi mo aakalain na lalaking may tiwala sa Diyos at may mga pangalan ang lahat niyang anak, kahit na wala siya sa tabi ng mga ito ng lumaki sila. Hindi siya nagkamali na magtiwala at mahalin ang Diyos sa gitna ng problemang dumating sa buhay niya.

Isang kahinaan ang magpadala sa pagsubok ng Diyos...


by: Thea Angelic R. Maiquez

Gabriel

Sulatin Blg.2
Ma. Cecilia M. Miano Maestro Joel Jovellano
BSN2-5 ika-14 ng Hulyo, 2008



“ Pag sinabi ng isang tao na mahal niya ang Diyos subalit hindi niya minamahal ang kanyang kaaway, siya ay sinungaling. Sapagkat ang Diyos ay nabubuhay sa bawat isa sa atin, at ang pagmamahal sa kanya ay katumbas ng pagmamahal sa kapwa…..”

GABRIEL

Noong sinaunang panahon, panahong nakatali pa tayo sa kamay ng mga kastila, maraming Pilipino ang pinagsasaka sa malalawak na lupain na kanilang pagmamay-ari. Sila ay nagmimistulang alipin ng kanilang mga ari-arian at lupain, at ibinibigay nila ang malaking porsiyento ng kanilang kita sa mga pyudal nilang panginoon. Maraming kapwa natin Pilipino ang nagdurusa at isa na rito si Mang Simon.

Si Mang Simon at ang kanyang pamilya ay walang sariling tirahan at ari-arian, bukod dito mayroon pa silang utang na minana niya sa kanyang magulang. Araw-araw siyang nagsasaka para lamang may kitain at may makain kahit kakaunti. Siya ay isang taong hindi relihiyoso, wala siyang Diyos na pinapaniwalaan. Marahil, iniisip niya na wala talagang Diyos dahil sa mga paghihirap na kanyang dinaranas at bagamat ipinalalaganap ito ng mga kastila, ang nakikita niya ay ang pagpapahirap ng mga ito at hindi ang relihiyon na kanilang pinakikilala. Sa kanyang pagsasaka ay nararamdaman niyang tumatagos ang init ng araw sa kanyang ulo, yun pala ay sira na ang salakot na ginagamit niya sa pagtatrabaho. Napagplanuhan niyang bumili ng bago kung kaya’t nagpursigi siyang lalo sa pagtatrabaho upang malaking bahagi ang ibigay sa kanya. Noong araw na yun ay kulang ang kinita niya, sa susunod na araw na lang daw pupunan ng amo ang kanyang sweldo. Naalala niya ang pagbili ng bagong salakot na gamit sa pagsasaka, sinabi niya ito sa asawang si Marita, kung kaya’t inialok nito ang kaunting sentimo na naipon sa paglalabada. Tinanggap niya kahit sa loob niya’y alam niyang kulang pa rin ito. Kinabukasan ay maaga siyang gumising upang marami siyang matrabaho subalit ng matapos ang araw ay hindi pa rin binayaran ng amo nito ang kulang na kinita noong nagdaang araw. Umalis siyang masama ang loob at ipinang- inom na lang ang kulang na salaping pambili niya ng salakot. Nilunod ang sarili sa alak upang maibuhos ang sama ng loob at nagwikang, “kayong mga kastila, nasaan ang Diyos na ipinapakilala ninyo? Sinong panginoon yan? Wala kayong ginawa kundi mang-api, marahil ganoon din ang inyong Diyos!!”
Nang siya ay pauwi na, nakita niya ang isang estrangherong walang malay. Noong una ay nilampasan niya ito at nagkunwaring walang nakita. Mga ilang hakbang ay muli itong lumingon at nakita niyang nag-aakmang sumaklolo ang lalaki. Waring nakatingin sa kanya at gustong humingi ng tulong. Nabagabag ang kanyang konsensiya kaya’t binalikan ang lalaki, dinala niya sa bahay at inaruga. Noong una ay hindi naging mainit ang pagtanggap ng asawa sa lalaki. Iniisip niya na baka nagpapanggap lamang ito at may masamang binabalak sa pamilya nila. Galit na galit pa si Marita kay Mang Simon sapagkat hindi na nga ito nakabili ng salakot, nag-inom at nagdala pa ng estrangherong palamunin sa kanilang bahay. “ Sa tingin mo anong ipapakain natin dyan? Hirap ka na nga dyan kumayod para sa ating mag-anak nagdagdag ka pa. Leche!” sambit ni Marita. “ Ewan ko ba, parang may bumulong sa akin na tulungan ko ang lalaking iyan, at tsaka kawawa naman, ni hindi nga niya alam kung saan siya nanggaling! Mahabag ka naman Marita! Pakiusap ni Mang Simon. Naghain si Marita ng makakain nila at umupo habang tinitignan ang lalaki. “ Alam mo ba kung bakit ka nasa daan kanina? May nagtangka bang magnakaw sayo o ano? “ “ Pinarusahan ako ng Diyos” sabi ng lalaki.” Diyos? Anong Diyos ang sinasabi mo? Kailanman ay walang Diyos!” pagalit na sagot ni Marita. “ Ang Diyos ay narito lamng!” sabi ng lalaki. Napailing na lamang ito at inakala nilang wala pa ito sa katinuan,. Dahil hindi nito alam kung sino siya, pinangalanan nila itong Gabriel. Dahil sa pagtanggap ng mag-asawa kay Gabriel, biglang umilaw ang dibdib nito.

“Gabriel, kami’y kapus-palad lamang, kung kaya’t para mabuhay ay kailangan magtrabaho. Kailangan mo kong tulungan sa pagsasaka para may ipakain ako sa iyo maliwanag?” sabi ni Mang Simon. “ Pagpalain ka nawa ng Panginoon. O sige, turuan mo ako at magtatrabaho ako.” Si Gabriel ay nakatulong ni Mang Simon sa pagsasaka. Nakita rin niya kung paano alipustahin ng mga pyudal na panginoon ang mga Pilipinong hindi sumusunod sa utos nito. Nang simula noon ay mabilis nilang natatapos ang mga gawain. Nakakapagtanim at nakakapag-ani sila ng marami kaya’t medyo lumaki ang bahaging ibinibigay sa kanila ng pyudal na panginoon. Dahil dito nakabili na si Mang Simon ng salakot at marami na rin ang pagkaing dinadala niya sa kanyang pamilya. Malaki ang pasasalamat ni Mang Simon kay Gabriel, subalit sinabi ni Gabriel, “Ang Diyos ang may kaloob ng lahat ng ito. Andyan lang kasi siya sa tabi natin, alam niya ang ating mga kahinaan at kalakasan at hindi niya tayo pababayaan”. Biglang umilaw ang dibdib ni Gabriel subalit hindi ito nakikita ng mga kasama niya. Natigilan si Mang Simon sa sinabi ni Gabriel, bigla niyang napag-isip-isip na baka nga totoo ang sinasabi nito. Natuto itong magdasal at tumawag sa panginoon oras- oras at minu-minuto. Dumaan ang mga araw, buwan at lalong naging mayabong ang kanilang pamumuhay. Biglang nagkasakit si Mang Simon, kaya’t hindi nito kinayang magtrabaho sa palayan. Si Gabriel lamang ang natirang magsaka subalit nakapagtrabaho ito ng doble sa naitatanim niya noon. Bukod dito, nakilala sa buong bayan si Gabriel dahil sa mabilis nitong pagtatanim at malulusog nitong ani. Bumalik na ulit ang dating sigla ni Mang Simon, sa tuwing sila’y magtatanim ng palay ay kinukuwentuhan ni Gabriel si Mang Simon ng tungkol sa mga salita ng Diyos. “ Ang bawat tao ay may kanya-kanyang relihiyon. Tignan mo ang mga kastila, pilit nilang ipinapalaganap ang kristiyanismo. Nang makipagkalakalan noon ang mga Arabe, ipinalaganap nila ang Islam. Marami pang darating sa mundo, pero iisang Diyos lamang ang sinasamba. Kahit tayo’y naghihirap, ang relihiyon ang pinakamahalagang aspeto ng buhay at hindi ang salapi. Nilikha ang tao para sa tao dahil ang presensiya ng Diyos ay nasa bawat tao”. Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan at dito’y lalong lumalalim ang pagkatuto ni Mang Simon ukol sa mga aral ng Diyos.

Halos ilang taon na ring naninirahan si Gabriel kay Mang Simon, malaki na ang ipinagbago ng kanilang pamumuhay. Biglang dumating ang araw na nagkakagulo ang mga tao. Nasa palayan sina Mang Simon, Gabriel at ang iba pang magsasaka. Umilaw muli ang dibdib ni Gabriel at umangat sa lupa. Lumabas ang kanyang malalabay na pakpak at nagwikang, “ paalam na Mang Simon. Natukalasan ko na ang mga katotohanang hindi nakikita ng malalabo kong mga mata. Pinarusahan ako ng panginoon subalit ngayo’y pinatawad na niya ako.” Natigilan si Mang Simon at ilang saglit ay napatanong, “ anong katotohanan iyon?” Ang mahahalagang bagay na hindi ko nakikita sa inyong mga tao. Sa pagtira ko sa inyo ay naramdaman ko na may “pag-ibig” sa kaibuturan ng inyong puso. Kahit gaano kayo kailap sa tao, hangga’t ang damdamin ay dinidiktahan ng Diyos, ay may malasakit pa rin. Ang lahat ay pantay- pantay na nilikha ng panginoon subalit nananatili ang bawat tao na hindi pantay-pantay sa mundo dahil sa hindi nila binubukasan ang puso nila sa isa’t isa. At ngayon, palalayain na kayo ng inyong mga kaaway. Unti-unti nilang natutunan na magbukas ng puso sa inyo. Magpatuloy ka sa pamumuhay mong naituwid na. Paalam”. Hindi makapaniwala si Mang Simon sa nangyari, bigla siyang nagising. Yun pala’y nananaginip lang siya. Sa kanyang pagbibihis ay may nakita siyang naiwang balahibong puti na animo’y galling sa anghel. At siya’y sumilay sa langit , pagkalipas ng ilang minuto ay narinig niya ang mga ingay ng tao. Nagbubunyi sila at nagsisiya. “ Malaya na tayo sa mga kastila! Mabuhay ang Pilipinas, mabuhay ang Pilipino! Napasambit siya, “ Salamat panginoon ko!”





**************************WAKAS*******************************

Matalik na Kaibigan

By: Lara Alexa Malveda
BSN 2-5

Araw-araw ng gawain ni Rita at ng kanyang matalik na kaibigan, si Manuel, ang magsimba o dumaan sa simbahan bago pumasok sa eskuwela. Ito ay nakagawian na nila, bata pa lamang sila. Kahit sila ay nasa kolehiyo na ay ginagawa pa rin nila ito. Para sa kanila ay hindi kumpleto ang araw ‘pag hindi siya nakapunta sa simbahan o ‘pag hindi makausap ang Diyos na itinuturing din nilang matalik na kaibigan.
Sa ekswela, ay may isang grupo ng mga lalaki, kung tawagin ay ‘tropa peepz’, ang laging lumalapit kay Manuel. Niyaya nila si Manuel na sumama sa kanila ngunit hindi niya magawang sumama dahil sa baka kung ano ang isipin ni Rita. Kilala kasi ang grupo sa pagiging magulo at pasaway. Katunayan laging sinasabi ni Rita “Ba’t ba ganyan yang tropa peepz na yan kahit sa simbahan e ang kukulit?! Di na nahiya eh! Kainis! ”. Lagi kasi nila nakakasabay ang mga ito sa pagsimba tuwing linggo ng gabi. Si Rita kasi ang tipo ng babae na relihiyoso at napakabait, kaya naman basta may makita na magulo sa simbahan ay agad itong naiinis dahil nakakabastos daw ang mga ito.
Araw-araw na nilalapitan ng grupong tropa peepz si Manuel at unti-unti rin siyang napalapit sa mga ito. Si Rita naman ay agad na napansin ito dahil sa madalas ay ito na ang mga kasabay ni Manuel sa pananghalian. Dahil dito ay araw-araw ding pinagdasal ni Rita na tama sana ang sinamahang grupo ng matalik niyang kaibigan. Madalas niyang idasal: “Panginoon ko, patawarin niyo po si Manuel sa pagsama niya sa mga iyon, Nawa’y gabayan Niyo po siya at ang kanyang desisyon na sumama sa grupo na kahit sa inyong tahanan ay talagang pasaway at di nahihiya. Salamat po”
Kahit naman sumama na si Manuel sa tropa peepz ay hindi pa din siya nakakalimutan nito at ang gawain nila bago pumasok at pinagpapasalamat niya ito sa Diyos.
“Buti na lang bespren di mo pa nakakalimutan ang gawain natin tuwing umaga. Alam ko kasi na lagi ka nang puyat at gabi umuwi dahil sa pagsama mo sa mga gimik ng mga yun. Sana naman e wala kayo ginagawang masama.” sabi ni Rita.
“Ano ka ba naman? Siyempre, wala ako ginagawa masama dahil alam ko magagalit ka! Takot ko na lang sayo. Hehehe.” pagbibiro ni Manuel.
“Huwag ka sa akin matakot Manuel, sa Diyos. Pinaaalalahanan lang naman kita eh.” ani ni Rita. Hindi na sumagot pa si Manuel at pumasok na sila sa eskwela.
Napapadalas na nga ang pag-uwi ni Manuel nang gabi. Hindi rin niya alam pero ginagawa na din niya ang ginagawa ng barkada tulad nang pag-iinom at paninigarilyo. Siyempre, itinago niya ito kay Rita.
Isang umaga nang magsimba sila ay iba ang kinikilos ni Manuel. Parang lasing ito at di maintindihan ni Rita ang pagiging makulit nito kahit nagmimisa na. Ilang araw ay ganito pa din ang kinikilos ni Manuel.
“Manuel, ano ka ba?! Napagaya ka na ba diyan sa mga kaibigan mo? Ang kulit mo! Hindi ka na nahiya sa Diyos sa tahanan ka pa niya nanggugulo! ”galit na sabi ni Rita.
“Ba’t ka ganyan? Akala ko ba e nakikisama ka lang sa mga yun at di mo ginagawa ang ginagawa nila! Pero tingnan mo ngayon, lasing kang nagsisimba! Nasa’n na ang matalik kong kaibigan na may hiya, pananalig at takot sa Diyos? Mukhang naglalaho na ang pananalig mo! ‘kaw pa ang nagsabi sa akin noon na masama ang mag-inom dahil magagalit sa ‘tin ang Diyos ngunit nag-iba ka na. Parang hindi ka na natatakot sa Kanya! Mahiya ka naman sa mga pinag-gagagawa mo!” malungkot na dugsong pa ni Rita.
Parang biglang bumalik sa katinuan ang isip ni Manuel nang makitang galit na galit ang mukha ni Rita at mangiyak-ngiyak na ito. Niyakap niya ito at humingi ng tawad dito.
“Huwag sa akin, sa Diyos ka humingi ng tawad Manuel”
Kinabukasan ay nauna pa si Manuel sa kanya sa hintayan nila malapit sa may simbahan. Nagulat at nagtaka siya. Malungkot siyang tinitigan nito.
“Rita, salamat! Kung hindi dahil sa mga sinabi mo eh hindi pa ata ako magigising sa kalokohang ginagawa ko. Patawarin mo at ng Panginoon ang mga nagawa ko. Hindi ko sinasadyang maglihim sayo Rita. Napagisip-isip ko na tama ka, nag-iba ako pero pipilitin kong ibalik sa dati ang lahat. Nakakahiya nga ako dahil nagpadala ako sa tukso. Natatakot akong mawala ka at ang isa pa nating matalik na kaibigan, ang Diyos. Pangako, babawi ako sa iyo at sa Kanya! ” sabi ni Manuel na niyakap siya nang mahigpit.
Natuwa siya dahil mukhang sinsiro talaga itong humihingi ng tawad. “Panginoon ko, patawad sa lahat ng kasalanan ko. Hinding-hindi na ako magpapadala sa mga tukso.” paulit-ulit na dasal ni Manuel.
Alam ni Manuel na mabait naman ang tropa peepz kaya hindi niya iniwasan ang mga ito, sa halip ay unti-unti niyang binago ang mga ito. Nagtagumpay siya dahil ang ilan ay nailalapit na niya sa Diyos at tumitigil na sa mga bisyo at kalokohan. Natuwa si Rita dahil sa ginagawa ng kaibigang ilapit ang barkada sa Panginoon. Sadyang nagbago nga ang mga ito at pinasalamatan niya ang matalik na kaibigan dahil siya ang naging intrumento ng Diyos upang baguhin ang barkada.
At sa paglipas ng panahon ay ang lahat nang miyembro ng tropa peepz ay nagbago at nagkaroon ng pananalig sa Panginoon. Nakagawian na rin nang buong tropa peepz ang magsimba araw-araw bago pumasok. Katunayan ay kasakasama na nila Rita ang mag ito. Kinatuwa ng lahat yon, lalong-lalo na ang dalawang matalik na magkaibigan.
“Salamat matalik naming kaibigan, aming Panginoon!” masayang sabi ni Manuel at Rita.

Wednesday, July 16, 2008


ANG ALAMAT NG TEDDY BEAR
by: Rikka Marie D. Mendoza


Noong unang panahon may isang pamilya ang naninirahan malapit sa kakahuyan. ito ay ang pamilya ng Bearitte. Si Bea Bearitte ang ilaw ng tahanan.Siya ay isang mabuting ina at asawa sa ka niyang pamilya. Siya ay simpleng may bahay at siya ri ang isang mananahi. Si Bea ay may dalawang anak na si Tifany na pitong taong glang at si Ben na siyam na taong gulang. Sila ay pumapasok sa Paaralan. Sila rin ay mababait at masunuring anak. Namana nila ang kabaitan sa kanilang mapagmahal na ina. Si Ted ang ama na tahanan ay isang responsableng ama at asawa sa kanyang pamilya. Ang pamilya ng Bearitte ay imahe ng maganda at masayang pamilya. Kahit anung hirap ng buhay ay nilalampasan nila ng sama sama at talaga namang nagkakasundo sila sa lahat ng bagay.

Sa paglipas ng panahon unti-unting nagbago ang pakikitungo ni Ted sa kanyang pamilya simula ng mapasama siya sa mga grupo ng mangangaso. Naimpluwensyahan siya ng mga iyon lalo na sa pag-uugali. Siya ay nagkaroon ng bisyo at nawala na ang pagiging responsable niya sa kanyang pamilya. Gabi gabi siyang umiinom ng alak at pag nalalasing ay ibinabaling ang galit sa kanyang asawa o sa dalwang anak. Hindi nag tagal lumayo ang loob ng kanyang anak sa kanya. Kahit ganun siya umaasa pa rin ang kanyang may bahay na si Bea na siya ay muling magbabago at babalik sa dati. Matiyagang inaalagaan pa rin ni Bea ang kanyang asawa kahit halos ipagtabuyan na siya nito.

Natutong mangaso si Ted dahil ng kanyang naging kaibigan. At sa paglipas ng araw lalo siyang nawiwili pumatay ng hayop. Tuwang tuwa siya kapag siya ay nakakabaril ng iba't ibang klase ng hayop lalo na kung oso ang kanyang nabaril o nahuli. Sa bawat araw na lumilipas lalong dumarami ang hayop na kanyang napapatay. Mas pinagbuti ni Ted ang pangangaso ng oso. Araw araw nakakahuli o nakakapatay siya ng batang oso.

Sa pagkawili ni Ted sa pangangaso napabayaan na niya ang kanyang trabaho kaya naisipan ni Bea na lalong pag-igihin ang kanyang pananahi para kumita at para rin sa kanilang kinabukasan. Awang awa sina Tifany at Ben sa kanilang ina kaya kinamuhian nila ang amang napariwara. Galit rin sila sa ginagawa ng kanilang amang pagpatay sa mga hayop.

Isang araw sa pangangaso ni Ted inabot na siya ng gabi ngunit la pa rin siyang nahuhuling hayop. Kahit gabi na pinagpadsyahan pa rin ni Ted na maglakad lakad pa para maghanap. Ilang sandali lang ay nakakita siya ng batang oso malapit sa kweba. Tuwang tuwa si Ted dahil naicip niya madaragdagan na naman ang bilang ng osong nahuhuli o napapatay niya. Nang babarilin na niya ang oso nagpalit ito ng anyo at naging diwata. Galit na galit ang diwata kay Ted dahil sa mga pinag gagagawa nito at dahil na rin sa pagpatay ng hayop. Kaya isinumpa ng Diwata si Ted na magiging kahawig ng oso ngunit walang buhay. Ilang sandali lang ay nangyari na ang sumpa.

Nang kina umagahan at hindi pa umuuwi si Ted napagpasyahan ni Bea na hanapin si Ted. Mag gagabi na ngunit hindi pa rin nila nahahanap si Ted. makalipas ang ilang sandali ay nagawi sila malapit sa kweba at doon nakakita sila ng manikang oso. Napaluha si Bea at ang kanyang mga anak dahil naramdaman at naalala nila si Ted. Inuwi na lang nila ang manikang oso at sinanay ang kanilang sarili na wala na si Ted.

Sunday, July 13, 2008

ALAMAT NG BLUSANG ITIM



Sa isang mayamang pamayanan sa ibaba ng di kilalang bundok nakatira ang isang matandang dalaga na nagngangalang na Maria. Wala ng natitirang kamag – anak si Maria at umaasa na lamang sa tulong ng mga taong nagmamalasakit sa kanya. Malakas pa at nakakapag – trabaho pa paminsan – minsan ang matandang dalaga.

Isang gabi sa kanyang pag – uwi ay natanaw niya ang isang dalagang umiiyak sa harapan ng kanyang tahanan. Kinausap niya ang umiiyak na dalaga ng walang pag – aalinlangan at mabvilis na nakagaanan ng loob. Nagpasya ang matanda na kupkupin ang kawawang dalaga.

Kinaumagahan, muling nagkausap ang matanda at ang dalaga. Nagkwento ito ng tungkol sa kanyang buhay. Ulila na ang dalaga at tanging ang nibyo na lamang niya ang kanyang nakakasama. Sa pagsapit ng kasal ng dalawa ay di dumating ang nasabing binata at hindi na muling napakita pa sa dalaga kaya nagpasya na lamang siyang magpakalayu – layo hanggang sa mapadpad sa lugat ng matanda.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkapareho ng sinapit si Maria at ang dalaga. Lubos na naawa ang matanda. Sa kagustuhan na makapaghiganti ay ibinigay ng matanda sa dalaga ang isang blusang itim at sa tuwing isinusuot niya ito na nagiging lubos ang kanyang kagandahan at maraming mga kalalakihan ang tunay naman na nahuhumaling sa kanyang ganda.

Marami siyang mga napaglaruan, nasaktan, pinaluha at iniwan. Ito ay sa pag-aakalang dapat nilang maramdaman ang sakit na naidulot sa kaya ng pagmamahal. Sa ganito ring paraan ay naisip niyang lubos ang kanyang magiging kasiyahan.

Napansin ng matanda ang isang napakalaking pagbabago mula sa noon ay isang simpleng dalaga. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa mga kilos na talaga naming lubos niyang pinagtakhan. Pinaalalahanan ng matanda ang dalag sa mga nagging masamang epekto ng blusa sa kanyang pagkatao. Ngunit hindi pa rin natinag ang dalaga dahil hindi pa lubos ang kanyang kasiyahan. Hanggang sa makilala niya ang isang binatang muling nagpaibig sa kanya. Ngunit sa banding huli ay siya ang muling napaglaruan, nasaktan, lumuha at muling naiwan na nag – iisa.

Napagpasyahan na lamang niyang ibalik muli ang blusa sa matanda at nagsimula ng panibagong buhay na walng hinanakit, galit at paghihiganti sa kanyang puso. Sa ganitong paraan niya natagpuan ang tunay na kasiyahan sa buhay.

Hanggang sa isang araw ay may dalawang lalaki na kumatok sa pintuan ng kanilang tahanan. Bumungad sa kanyang harapan ang lalaking noon ay nang – iwan sa kanya at ang matandang lalaki na siya palang dating kasintahan ni Maria.

Lubos ang pagsisisi ng dalawang lalaki sa kanilang nagging pasya noon na sila ay iwan ngunit dahil sa matinding pagmamahal ni Maria at ng dalaga ay muling naibalik ang kanilang noo’y masayang pag – iibigan. Hindi nagtagal ay nagpakasal din ang dalaga at binata at masayang namuhay kasama si maria at ang matandang lalaki.

Sa araw ding yaon ay napagpasyahan nilang sunugin ang blusa upang kahit kalian ay din a muling nagdulot ng sakit at pighati s isang pagmamahalan.




By: Crizza V. Magpantay, BSN 2-5