Sunday, July 20, 2008

Matalik na Kaibigan

By: Lara Alexa Malveda
BSN 2-5

Araw-araw ng gawain ni Rita at ng kanyang matalik na kaibigan, si Manuel, ang magsimba o dumaan sa simbahan bago pumasok sa eskuwela. Ito ay nakagawian na nila, bata pa lamang sila. Kahit sila ay nasa kolehiyo na ay ginagawa pa rin nila ito. Para sa kanila ay hindi kumpleto ang araw ‘pag hindi siya nakapunta sa simbahan o ‘pag hindi makausap ang Diyos na itinuturing din nilang matalik na kaibigan.
Sa ekswela, ay may isang grupo ng mga lalaki, kung tawagin ay ‘tropa peepz’, ang laging lumalapit kay Manuel. Niyaya nila si Manuel na sumama sa kanila ngunit hindi niya magawang sumama dahil sa baka kung ano ang isipin ni Rita. Kilala kasi ang grupo sa pagiging magulo at pasaway. Katunayan laging sinasabi ni Rita “Ba’t ba ganyan yang tropa peepz na yan kahit sa simbahan e ang kukulit?! Di na nahiya eh! Kainis! ”. Lagi kasi nila nakakasabay ang mga ito sa pagsimba tuwing linggo ng gabi. Si Rita kasi ang tipo ng babae na relihiyoso at napakabait, kaya naman basta may makita na magulo sa simbahan ay agad itong naiinis dahil nakakabastos daw ang mga ito.
Araw-araw na nilalapitan ng grupong tropa peepz si Manuel at unti-unti rin siyang napalapit sa mga ito. Si Rita naman ay agad na napansin ito dahil sa madalas ay ito na ang mga kasabay ni Manuel sa pananghalian. Dahil dito ay araw-araw ding pinagdasal ni Rita na tama sana ang sinamahang grupo ng matalik niyang kaibigan. Madalas niyang idasal: “Panginoon ko, patawarin niyo po si Manuel sa pagsama niya sa mga iyon, Nawa’y gabayan Niyo po siya at ang kanyang desisyon na sumama sa grupo na kahit sa inyong tahanan ay talagang pasaway at di nahihiya. Salamat po”
Kahit naman sumama na si Manuel sa tropa peepz ay hindi pa din siya nakakalimutan nito at ang gawain nila bago pumasok at pinagpapasalamat niya ito sa Diyos.
“Buti na lang bespren di mo pa nakakalimutan ang gawain natin tuwing umaga. Alam ko kasi na lagi ka nang puyat at gabi umuwi dahil sa pagsama mo sa mga gimik ng mga yun. Sana naman e wala kayo ginagawang masama.” sabi ni Rita.
“Ano ka ba naman? Siyempre, wala ako ginagawa masama dahil alam ko magagalit ka! Takot ko na lang sayo. Hehehe.” pagbibiro ni Manuel.
“Huwag ka sa akin matakot Manuel, sa Diyos. Pinaaalalahanan lang naman kita eh.” ani ni Rita. Hindi na sumagot pa si Manuel at pumasok na sila sa eskwela.
Napapadalas na nga ang pag-uwi ni Manuel nang gabi. Hindi rin niya alam pero ginagawa na din niya ang ginagawa ng barkada tulad nang pag-iinom at paninigarilyo. Siyempre, itinago niya ito kay Rita.
Isang umaga nang magsimba sila ay iba ang kinikilos ni Manuel. Parang lasing ito at di maintindihan ni Rita ang pagiging makulit nito kahit nagmimisa na. Ilang araw ay ganito pa din ang kinikilos ni Manuel.
“Manuel, ano ka ba?! Napagaya ka na ba diyan sa mga kaibigan mo? Ang kulit mo! Hindi ka na nahiya sa Diyos sa tahanan ka pa niya nanggugulo! ”galit na sabi ni Rita.
“Ba’t ka ganyan? Akala ko ba e nakikisama ka lang sa mga yun at di mo ginagawa ang ginagawa nila! Pero tingnan mo ngayon, lasing kang nagsisimba! Nasa’n na ang matalik kong kaibigan na may hiya, pananalig at takot sa Diyos? Mukhang naglalaho na ang pananalig mo! ‘kaw pa ang nagsabi sa akin noon na masama ang mag-inom dahil magagalit sa ‘tin ang Diyos ngunit nag-iba ka na. Parang hindi ka na natatakot sa Kanya! Mahiya ka naman sa mga pinag-gagagawa mo!” malungkot na dugsong pa ni Rita.
Parang biglang bumalik sa katinuan ang isip ni Manuel nang makitang galit na galit ang mukha ni Rita at mangiyak-ngiyak na ito. Niyakap niya ito at humingi ng tawad dito.
“Huwag sa akin, sa Diyos ka humingi ng tawad Manuel”
Kinabukasan ay nauna pa si Manuel sa kanya sa hintayan nila malapit sa may simbahan. Nagulat at nagtaka siya. Malungkot siyang tinitigan nito.
“Rita, salamat! Kung hindi dahil sa mga sinabi mo eh hindi pa ata ako magigising sa kalokohang ginagawa ko. Patawarin mo at ng Panginoon ang mga nagawa ko. Hindi ko sinasadyang maglihim sayo Rita. Napagisip-isip ko na tama ka, nag-iba ako pero pipilitin kong ibalik sa dati ang lahat. Nakakahiya nga ako dahil nagpadala ako sa tukso. Natatakot akong mawala ka at ang isa pa nating matalik na kaibigan, ang Diyos. Pangako, babawi ako sa iyo at sa Kanya! ” sabi ni Manuel na niyakap siya nang mahigpit.
Natuwa siya dahil mukhang sinsiro talaga itong humihingi ng tawad. “Panginoon ko, patawad sa lahat ng kasalanan ko. Hinding-hindi na ako magpapadala sa mga tukso.” paulit-ulit na dasal ni Manuel.
Alam ni Manuel na mabait naman ang tropa peepz kaya hindi niya iniwasan ang mga ito, sa halip ay unti-unti niyang binago ang mga ito. Nagtagumpay siya dahil ang ilan ay nailalapit na niya sa Diyos at tumitigil na sa mga bisyo at kalokohan. Natuwa si Rita dahil sa ginagawa ng kaibigang ilapit ang barkada sa Panginoon. Sadyang nagbago nga ang mga ito at pinasalamatan niya ang matalik na kaibigan dahil siya ang naging intrumento ng Diyos upang baguhin ang barkada.
At sa paglipas ng panahon ay ang lahat nang miyembro ng tropa peepz ay nagbago at nagkaroon ng pananalig sa Panginoon. Nakagawian na rin nang buong tropa peepz ang magsimba araw-araw bago pumasok. Katunayan ay kasakasama na nila Rita ang mag ito. Kinatuwa ng lahat yon, lalong-lalo na ang dalawang matalik na magkaibigan.
“Salamat matalik naming kaibigan, aming Panginoon!” masayang sabi ni Manuel at Rita.

No comments: