Sunday, July 6, 2008

anG aLaMat nG pany0

Sa isang malayong lupain, may isang maganda at mahinhing dalaga na nagngangalang Panya, isang anak ng mananahi sa kanilang lugar. Simple lang ang kanilang buhay, tanging ang pananahi lang ng kanyang ina ang kanilang ikinabubuhay. Maaga siyang naulila sa kanyang ama. Bata pa lamang siya ay napakaiyakin na niya. Sa tuwing aawayin siya ng mga kalaro niya, sa bawat pagdapa niya at sa bawat pag-alala niya sa kanyang ama'y hindi maiwasang tumulo ang kanyang mga luha,pinupunasan niya ito gamit ang kanyang mga kamay.

Mayroon siyang kasintahan, si Prinsipe Anyong. Siya ay isang mapagmahal at mapagmalasakit na lalaki galing sa kahariang silangan. Lahat na siguro ng katangian ng isang lalaking gugustuhin ng isang babae ay nasa kanya na.

Tutol ang mga magulang ni Prinsipe Anyong sa kanilang pagmamahalan kung kaya't nagbalak ang Hari at Reyna na magkaroon ng isang kasiyahan sa kanilang kaharian. Ito ay upang ipagkasundo ang anak nila sa anak ng Hari at Reyna ng kahariang kanluran. Ipinangalat ang balita sa buong kaharian upang paghandaan ang pagdating ng mga tiga kahariang kanluran.

Nang makarating ang balita kay Panya, ito'y lubhang nalungkot at nalumbay. Maghapon at magdamag siyang umiyak sa kanyang silid. Noo'y pinilas niya ang burdadong bistidang ibinigay sa kanya ng prinsipe. Ito sana ang susuotin niya para sa kasiyahan dahil ang alam ng magkasintahan ay Panya ang ipapakilala sa mga magulang ng Prinsipe. Ang magarang bistida ay tila naging punit-punit. Umiyak ng umiyak si Panya.

Hanggang sa dumating ang mga tiga kahariang kanluran. Masaya ang lahat para sa pagsalubong. Noong mga panahong iyon ay dahan-dahan ng tumatakas si Prinsipe Anyong sa kaharian. Ito ay upang puntahan niya ang kanyang prinsesang si Panya.
Nang makarating siya sa bahay nina Panya ay may narinig siyang isang babaeng umiiyak, alam niyang ito'y si Panya. Pagkapasok niya ay nakita niya ang mga punit-punit na mga tela ng damit sa sahig, pinulot niya ang isang piraso na may hugis parisukat at dahan-dahan siyang lumapit kay Panya at iniabot ang tela upang punasan nito ang kanyang mga luha at sinabing,

"Panya aking mahal, tanggapin mo ang piraso ng telang ito upang punasan ang iyong mga luha. Huwag kang mag-alala, ikaw lang ang nag-iisang babae sa aking buhay. Magmula ngayon, tayo'y magsasama, titira sa malayo at mamumuhay ng payapa. Itago mo itong piraso ng tela tanda ng ating pagsasama..."

Makaraan ang ilang taon nagkaroon ng matinding karamdaman ang Prinsipe, habang ito'y nakaratay,nasambit niya kay Panya ang mga katagang ito...

"Panya mahal na mahal kita. Hihintayin ko ang panahon na tayo'y muling magkakasama..."

"huwag mong sabihin yan mahal ko, hindi ka maaaring mamatay."ika ni Panya.

"Ikinalulungkot ko ngunit hanggang dito na lang ang kaya ng aking katawan. Tandaan mo mahal na mahal na mahal kita Panya...Panya...Panyawwwwwwhh..."

Habang natutunghayan ni Panya ang pagpanaw ng kaniyang minamahal, siya'y umiyak ng walang humpay habang hawak-hawak ang kapirasong telang bigay sa kanya ng kanyang mahal. Dito tinawag ang kapirasong telang PANYO, ayon sa huling salitang binanggit ng prinsipe.

Kaya't hanggang ngayon, ang kapirasong tela na tinawag na panyo ay siyang ginagamit natin upang punasan ang ating mga luha...."

by:
Pearl Charisse Z. Mendoza

No comments: