Sunday, July 20, 2008

Gabriel

Sulatin Blg.2
Ma. Cecilia M. Miano Maestro Joel Jovellano
BSN2-5 ika-14 ng Hulyo, 2008



“ Pag sinabi ng isang tao na mahal niya ang Diyos subalit hindi niya minamahal ang kanyang kaaway, siya ay sinungaling. Sapagkat ang Diyos ay nabubuhay sa bawat isa sa atin, at ang pagmamahal sa kanya ay katumbas ng pagmamahal sa kapwa…..”

GABRIEL

Noong sinaunang panahon, panahong nakatali pa tayo sa kamay ng mga kastila, maraming Pilipino ang pinagsasaka sa malalawak na lupain na kanilang pagmamay-ari. Sila ay nagmimistulang alipin ng kanilang mga ari-arian at lupain, at ibinibigay nila ang malaking porsiyento ng kanilang kita sa mga pyudal nilang panginoon. Maraming kapwa natin Pilipino ang nagdurusa at isa na rito si Mang Simon.

Si Mang Simon at ang kanyang pamilya ay walang sariling tirahan at ari-arian, bukod dito mayroon pa silang utang na minana niya sa kanyang magulang. Araw-araw siyang nagsasaka para lamang may kitain at may makain kahit kakaunti. Siya ay isang taong hindi relihiyoso, wala siyang Diyos na pinapaniwalaan. Marahil, iniisip niya na wala talagang Diyos dahil sa mga paghihirap na kanyang dinaranas at bagamat ipinalalaganap ito ng mga kastila, ang nakikita niya ay ang pagpapahirap ng mga ito at hindi ang relihiyon na kanilang pinakikilala. Sa kanyang pagsasaka ay nararamdaman niyang tumatagos ang init ng araw sa kanyang ulo, yun pala ay sira na ang salakot na ginagamit niya sa pagtatrabaho. Napagplanuhan niyang bumili ng bago kung kaya’t nagpursigi siyang lalo sa pagtatrabaho upang malaking bahagi ang ibigay sa kanya. Noong araw na yun ay kulang ang kinita niya, sa susunod na araw na lang daw pupunan ng amo ang kanyang sweldo. Naalala niya ang pagbili ng bagong salakot na gamit sa pagsasaka, sinabi niya ito sa asawang si Marita, kung kaya’t inialok nito ang kaunting sentimo na naipon sa paglalabada. Tinanggap niya kahit sa loob niya’y alam niyang kulang pa rin ito. Kinabukasan ay maaga siyang gumising upang marami siyang matrabaho subalit ng matapos ang araw ay hindi pa rin binayaran ng amo nito ang kulang na kinita noong nagdaang araw. Umalis siyang masama ang loob at ipinang- inom na lang ang kulang na salaping pambili niya ng salakot. Nilunod ang sarili sa alak upang maibuhos ang sama ng loob at nagwikang, “kayong mga kastila, nasaan ang Diyos na ipinapakilala ninyo? Sinong panginoon yan? Wala kayong ginawa kundi mang-api, marahil ganoon din ang inyong Diyos!!”
Nang siya ay pauwi na, nakita niya ang isang estrangherong walang malay. Noong una ay nilampasan niya ito at nagkunwaring walang nakita. Mga ilang hakbang ay muli itong lumingon at nakita niyang nag-aakmang sumaklolo ang lalaki. Waring nakatingin sa kanya at gustong humingi ng tulong. Nabagabag ang kanyang konsensiya kaya’t binalikan ang lalaki, dinala niya sa bahay at inaruga. Noong una ay hindi naging mainit ang pagtanggap ng asawa sa lalaki. Iniisip niya na baka nagpapanggap lamang ito at may masamang binabalak sa pamilya nila. Galit na galit pa si Marita kay Mang Simon sapagkat hindi na nga ito nakabili ng salakot, nag-inom at nagdala pa ng estrangherong palamunin sa kanilang bahay. “ Sa tingin mo anong ipapakain natin dyan? Hirap ka na nga dyan kumayod para sa ating mag-anak nagdagdag ka pa. Leche!” sambit ni Marita. “ Ewan ko ba, parang may bumulong sa akin na tulungan ko ang lalaking iyan, at tsaka kawawa naman, ni hindi nga niya alam kung saan siya nanggaling! Mahabag ka naman Marita! Pakiusap ni Mang Simon. Naghain si Marita ng makakain nila at umupo habang tinitignan ang lalaki. “ Alam mo ba kung bakit ka nasa daan kanina? May nagtangka bang magnakaw sayo o ano? “ “ Pinarusahan ako ng Diyos” sabi ng lalaki.” Diyos? Anong Diyos ang sinasabi mo? Kailanman ay walang Diyos!” pagalit na sagot ni Marita. “ Ang Diyos ay narito lamng!” sabi ng lalaki. Napailing na lamang ito at inakala nilang wala pa ito sa katinuan,. Dahil hindi nito alam kung sino siya, pinangalanan nila itong Gabriel. Dahil sa pagtanggap ng mag-asawa kay Gabriel, biglang umilaw ang dibdib nito.

“Gabriel, kami’y kapus-palad lamang, kung kaya’t para mabuhay ay kailangan magtrabaho. Kailangan mo kong tulungan sa pagsasaka para may ipakain ako sa iyo maliwanag?” sabi ni Mang Simon. “ Pagpalain ka nawa ng Panginoon. O sige, turuan mo ako at magtatrabaho ako.” Si Gabriel ay nakatulong ni Mang Simon sa pagsasaka. Nakita rin niya kung paano alipustahin ng mga pyudal na panginoon ang mga Pilipinong hindi sumusunod sa utos nito. Nang simula noon ay mabilis nilang natatapos ang mga gawain. Nakakapagtanim at nakakapag-ani sila ng marami kaya’t medyo lumaki ang bahaging ibinibigay sa kanila ng pyudal na panginoon. Dahil dito nakabili na si Mang Simon ng salakot at marami na rin ang pagkaing dinadala niya sa kanyang pamilya. Malaki ang pasasalamat ni Mang Simon kay Gabriel, subalit sinabi ni Gabriel, “Ang Diyos ang may kaloob ng lahat ng ito. Andyan lang kasi siya sa tabi natin, alam niya ang ating mga kahinaan at kalakasan at hindi niya tayo pababayaan”. Biglang umilaw ang dibdib ni Gabriel subalit hindi ito nakikita ng mga kasama niya. Natigilan si Mang Simon sa sinabi ni Gabriel, bigla niyang napag-isip-isip na baka nga totoo ang sinasabi nito. Natuto itong magdasal at tumawag sa panginoon oras- oras at minu-minuto. Dumaan ang mga araw, buwan at lalong naging mayabong ang kanilang pamumuhay. Biglang nagkasakit si Mang Simon, kaya’t hindi nito kinayang magtrabaho sa palayan. Si Gabriel lamang ang natirang magsaka subalit nakapagtrabaho ito ng doble sa naitatanim niya noon. Bukod dito, nakilala sa buong bayan si Gabriel dahil sa mabilis nitong pagtatanim at malulusog nitong ani. Bumalik na ulit ang dating sigla ni Mang Simon, sa tuwing sila’y magtatanim ng palay ay kinukuwentuhan ni Gabriel si Mang Simon ng tungkol sa mga salita ng Diyos. “ Ang bawat tao ay may kanya-kanyang relihiyon. Tignan mo ang mga kastila, pilit nilang ipinapalaganap ang kristiyanismo. Nang makipagkalakalan noon ang mga Arabe, ipinalaganap nila ang Islam. Marami pang darating sa mundo, pero iisang Diyos lamang ang sinasamba. Kahit tayo’y naghihirap, ang relihiyon ang pinakamahalagang aspeto ng buhay at hindi ang salapi. Nilikha ang tao para sa tao dahil ang presensiya ng Diyos ay nasa bawat tao”. Nagpatuloy sila sa pagkukuwentuhan at dito’y lalong lumalalim ang pagkatuto ni Mang Simon ukol sa mga aral ng Diyos.

Halos ilang taon na ring naninirahan si Gabriel kay Mang Simon, malaki na ang ipinagbago ng kanilang pamumuhay. Biglang dumating ang araw na nagkakagulo ang mga tao. Nasa palayan sina Mang Simon, Gabriel at ang iba pang magsasaka. Umilaw muli ang dibdib ni Gabriel at umangat sa lupa. Lumabas ang kanyang malalabay na pakpak at nagwikang, “ paalam na Mang Simon. Natukalasan ko na ang mga katotohanang hindi nakikita ng malalabo kong mga mata. Pinarusahan ako ng panginoon subalit ngayo’y pinatawad na niya ako.” Natigilan si Mang Simon at ilang saglit ay napatanong, “ anong katotohanan iyon?” Ang mahahalagang bagay na hindi ko nakikita sa inyong mga tao. Sa pagtira ko sa inyo ay naramdaman ko na may “pag-ibig” sa kaibuturan ng inyong puso. Kahit gaano kayo kailap sa tao, hangga’t ang damdamin ay dinidiktahan ng Diyos, ay may malasakit pa rin. Ang lahat ay pantay- pantay na nilikha ng panginoon subalit nananatili ang bawat tao na hindi pantay-pantay sa mundo dahil sa hindi nila binubukasan ang puso nila sa isa’t isa. At ngayon, palalayain na kayo ng inyong mga kaaway. Unti-unti nilang natutunan na magbukas ng puso sa inyo. Magpatuloy ka sa pamumuhay mong naituwid na. Paalam”. Hindi makapaniwala si Mang Simon sa nangyari, bigla siyang nagising. Yun pala’y nananaginip lang siya. Sa kanyang pagbibihis ay may nakita siyang naiwang balahibong puti na animo’y galling sa anghel. At siya’y sumilay sa langit , pagkalipas ng ilang minuto ay narinig niya ang mga ingay ng tao. Nagbubunyi sila at nagsisiya. “ Malaya na tayo sa mga kastila! Mabuhay ang Pilipinas, mabuhay ang Pilipino! Napasambit siya, “ Salamat panginoon ko!”





**************************WAKAS*******************************

No comments: